Transition committee para sa mga pagbabago sa Davao de Oro, binuo

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2019 11:03 PM

Makasaysayan ang flag-raising ceremony Lunes ng umaga sa kapitolyo dahil ito ang una sa ilalim ng bagong pangalan ng probinsya ng Compostela Valley na ngayon ay Davao De Oro na.

Matagumpay ang plebisito nitong Sabado at nanalo ang pabor na palitan ang pangalan ng lalawigan.

Matapos ang seremonya, dumalo ang mga opisyal at empleyado sa thanksgiving mass sa Old SP Session hall ng kapitolyo na pinangunahan ni Bishop Medel Aseo ng Diocese ng Tagum.

Ayon kay Governor Jayvee Tyron Uy, sa pagbabago ng pangalan ng probinsya ay babaguhin din ang provincial seal at provincial hymn.

Pakatutukan ito ng binuo na transition committee ng probinsya na kinabibilangan ng mga opisya ng probinsya at mga department heads.

Masaya si Vice Governor Maricar Zamora sa resulta ng plebisito dahil matapos ang 3 taon na pagsusumikap ay naging Davao De Oro na ang probinsya.

Isa si Zamora sa mga akda ng batas noong siya ay congresswoman pa sa unang distrito ng probinsya.

Sa Enero 20, 2020 ang nakatakdang grand launching sa bagong logo at provincial hymn ng Davao De Oro.

Isasabay ito sa State of Provincial Address ni Uy para malaman ng publiko ang mga programa at plano ng lokal na pamahalaan ng Davao de Oro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.