Serbisyong medikal hatid sa mga nakapiit sa Bilibid

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2019 07:37 PM | Updated as of Dec 09 2019 09:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Walong taon nang nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa si alyas "Jonathan," na may drug-resistant tuberculosis.

Para kay "Jonathan," 60, bagaman mahirap ang buhay sa loob ng piitan, mas masaklap ang magkasakit habang nananatili sa loob ng kulungan.

"Siyempre kapag may sakit ka, kailangan mo ring pagdamay ng mga mahal mo sa buhay," aniya.

Isa si "Jonathan" sa higit 1,000 persons deprived of liberty (PDL) na binigyan ng serbisyong pangkalusugan ng Bureau of Corrections at ng isang international non-governmental organization.

Kabilang sa mga serbisyong ibinigay sa mga preso ay full physical examination at libreng pagpapagamot ng mga karamdaman.

Ayon kay Dr. Henry Fabro, direktor ng NBP Hospital, isa o 2 PDL ang namamatay sa loob ng Bilibid kada araw o higit 500 kada taon.

Karaniwang sakit ng mga PDL ay sakit sa baga, puso, kidney o bato, at kanser.

Dahil sa kakulangan ng pondo, isang paraan umano ang mga medical mission para masuri ang kalusugan ng mga PDL.

"Sa tulong ng mga tao, tulong ng organizations, and with their help, we hope na we could decrease the mortality rate... maybe to half," ani Fabro.

Kasalukuyang may higit 28,000 PDL sa loob ng Bilibid kaya kailangan daw ng sapat na pondo para matugunan ang lahat ng kanilang pangangailangan.

"Kapag na-grant 'yong pondong P4.2 billion, gagamitin lahat iyan para sa kanila," ani Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag.

Ayon pa kay Bantag, prayoridad nila ang kalusugan ng mga PDL lalo at dumadami sa mga ito ang mga nagkakaedad o senior citizen.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.