Malawakang pagbabakuna vs polio sa Mindanao pinalawig nang isang linggo

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2019 03:56 PM | Updated as of Dec 09 2019 09:53 PM

Pinalawig ng Department of Health (DOH) nang isang linggo ang malawakang pagbabakuna kontra polio nito sa ilang piling lugar sa Mindanao.

Natapos noong Disyembre 7 ang kampanyang "Sabayang Patak Kontra Polio" ng DOH sa National Capital Region at Mindanao, na nag-umpisa noong Nobyembre 25.

Pero pinili ng DOH na palawigin ito ng isa pang linggo sa Mindanao para malibot ang mga lugar na may mababang coverage, ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje.

Ang Mindanao din daw kasi ang may pinakamaraming kaso ng polio mula nang makumpirma noong Setyembre ang pagbabalik ng sakit sa Pilipinas.

Kabilang sa mga lugar na target ng pinalawig na kampanya ang Marawi City, Lanao, at Davao City.

Sa Enero 6 hanggang 18, 2020 nakatakda ang susunod na round ng "Sabayang Patak Kontra Polio."

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.