'Karamihan ng mga Pinoy di nakabibili ng gamot dahil mahal'

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2019 09:28 PM

Watch more in iWantTFC

Nasa P80 ang isang gamot ni Maria Monique Buco, na may stage 5 chronic kidney disease. Kailangan niya itong inumin nang 3 beses kada araw.

Sa isang buwan, P7,200 ang gastos ni Buco sa gamot, bagay na napakabigat para sa gaya niyang walang trabaho.

"Hindi ko po madalas na mainom kasi nga po mahal," ani Buco sa panayam ng ABS-CBN News.

"Minsan kapos din," aniya.

Abala naman si Marilou Mariano, na putol ang isang paa at naka-wheelchair, sa pag-asikaso ng pangangailangang medikal ng anak.

"Minsan hindi makainom anak ko, nagsi-seizure po siya," ani Mariano.

Sa Ulat ng Bayan ng Pulse Asia noong Setyembre, lumabas na 99 porsiyento ng 1,200 Pilipino na lumahok sa survey ang nagsabing hindi na nila nabibili ang mga nireresetang gamot dahil sa mahal ang mga ito.

May 71 porsiyento naman ang nagsabing kaya naman nilang bumili kung ang halaga ay P1,000 pababa. Nasa 24 porsiyento lang ang nagsabing kaya nilang tustusan ang gamot na aabot ng hanggang P5,000 ang presyo.

Naipasa na ng Department of Health (DOH) sa Malacañang ang listahan ng nasa 120 gamot na papatawan ng maximum drug retail price (MDRP).

Sa ilalim ng MDRP, posibleng bumaba ng hanggang 43 porsiyento ang presyo ng ilan sa mga gamot.

Inamin naman ni Health Secretary Francisco Duque III na may mga kontra sa MDRP.

"What we're fighting for is in the best interest of the Filipino patients," ani Duque.

Samantala, nagbabala rin ang DOH sa pagbili ng gamot sa mga online shopping platform.

Tatlo na ang napatawan ng multa ng DOH dahil bawal magbenta ng gamot online kung walang pahintulot mula sa Food and Drug Administration (FDA).

"Maaaring counterfeit drugs 'yan," ani FDA officer in charge Eric Domingo.

May mga botikang nag-aalok ng gamot online pero dapat itong kuhanin mismo ng konsumer at hindi puwedeng ipa-deliver, ayon sa DOH.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.