Compostela Valley, papalitan ng pangalan bilang Davao de Oro

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2019 12:50 AM

Mas maraming mga botante mula sa Compostela Valley ang pabor na palitan ang pangalan ng probinsya at tawagin itong Davao de Oro, base sa resulta ng isinagawang plebisito sa lalawigan.

Linggo ng gabi nang idineklara ng Provincial Board of Canvassers ang resulta ng isinagawang plebisito nitong Sabado para sa pagpalit ng pangalan ng Compostela Valley.

Nasa 174,442 ang bumoto pabor sa pagpalit ng pangalan ng probinsya habang 5,020 naman ang hindi sang-ayon dito.

Sa datos ng Commission on Elections, nasa 179,953 mula sa 410,261 na registered voters mula sa 11 bayan ang lumahok sa plebisito. Nasa 45 porsyento ang voters' turnout.

Ayon kay Comelec 11 Regional Director Atty. Remlane Tambuang, naantala ang canvassing dahil hindi nagtugma ang bilang ng botante sa apat na bayan.

Bukas bibigyan ng Comelec ng kopya sa resulta ng plebisito ang provincial governor at Department of Interior and Local Government (DILG).

Abril 17, 2019 nang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11297 para palitan ang pangalan ng Compostela Valley at gawing Davao de Oro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.