'Suplayer ng droga' patay sa engkuwentro sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2018 06:50 PM

Napatay ang isa umanong kilalang suplayer ng droga matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa San Jose Del Monte, Bulacan noong gabi ng Sabado.

Kinilala ni Superintendent Orlando Castil Jr. ng San Jose Del Monte police ang suspek bilang si Jayson Udal.

Nauwi sa engkuwentro ang buy-bust operation na ikinasa ng pulisya laban kay Udal matapos matunugan ng suspek na pulis ang kaniyang katransaksiyon, sabi ng pulisya.

Watch more in iWantTFC

Ayon kay Castil, nagpalista bilang drug surrenderer noong 2016 si Udal at nakatakda sanang sumailalim sa rehabilitasyon sa ilalim ng Barangay Anti Drug Abuse Coucil.

Pero hindi raw dumalo si Udal sa rehabilitation program at nagpatuloy umano sa pangangalakal ng ilegal na droga hanggang sa may nakarating na sumbong sa pulisya ukol sa kinaroroonan ng suspek.

"Palipat-lipat ng bahay 'yan eh. Based doon sa aming monitoring at interview sa barangay siya na lang po natitira na sakit sa ulo sa barangay," sabi ni Castil.

Narekober sa suspek ang drogang nagkakahalagang P5,000 at isang kalibre .38 na baril.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.