ALAMIN: Bakit tutol ang 2 mahistrado sa plunder acquittal ni Revilla

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2018 05:39 PM

Napalaya na ng Sandiganbayan noong Biyernes si dating Sen. Bong Revilla pero sa opinyon ng dalawang mahistrado, guilty dapat ang naging hatol sa kaniya.

Inakusahan si Revilla ng plunder dahil sa pagbulsa umano ng P224 milyon sa kaniyang Priority Development Assistant Fund (PDAF) o "pork barrel" mula 2006 hanggang 2010.

Kung absuwelto si Revilla, guilty naman ang hatol kina "pork barrel queen" Janet Lim Napoles at dating kanang kamay ng senador na si Richard Cambe.

Hindi sang-ayon sa majority decision nina associate justices Geraldine Econg, Edgardo Caldona, at Georgina Hidalgo sina Sandiganbayan 1st division chairperson Efren dela Cruz at justice Maria Theresa Dolores Gomez-Estoesta.

Hindi kumbinsido si Dela Cruz na ang pera mula sa PDAF na pinadaan ni Napoles kay Cambe ay hindi umabot kay Revilla.

"It defies reason and common experience to insist that the PDAF money given by Napoles for Revilla simply stopped with Cambe," ani Dela Cruz sa kaniyang dissenting opinion.

Binigyang-diin din ni Dela Cruz ang mga detalyadong pahayag ng mga whistleblower, sa pangunguna ni Benhur Luy, na nakita nila sa kanilang opisina si Cambe na tumatanggap ng komisyon para sa sarili at kay Revilla.
    
Hindi bumenta kay Dela Cruz ang depensa ni Revilla na "forged" o pineke ang kaniyang mga pirma sa ilang dokumentong nag-uugnay sa kaniya sa mga bogus non-government organization ni Napoles, lalo't dumulog ang korte sa isang eksperto.

Sa opinyon naman ni Estoesta, hindi dapat isinantabi ang mga imbestigasyong isinagawa ng Field Investigation Office ng Ombudsman, ng Commission on Audit (COA), at ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Sa imbestigasyon kasi ng AMLC, P87 milyon ang pumasok sa mga bank account ng pamilya Revilla sakto sa mga panahong sinasabing nakatanggap ang senador ng "kickback" mula sa kaniyang PDAF.

"I maintain, therefore, that the judgment of conviction found in the original ponencia could not have been tilted to favor Senator Revilla’s acquittal since the prosecution has presented solid evidence to prove his guilt for the crime of plunder beyond reasonable doubt," ani Estoesta sa kaniyang dissenting opinion.

Pero naninindigan ang mga abogado ni Revilla na tama ang naging desisyon ng Sandiganbayan.

Wala kasi umanong direktang ebidensiya laban kay Revilla at hindi napatunayan na awtorisado si Cambe para kumubra ng pera para sa kaniyang amo.
    
"Kung may pruweba na inutsuan niya, may memo man, may text message man, o ano pa mang klaseng ebidensiya na inutusan ng senador ang kaniyang chief of staff, sana ok 'yon. Eh wala eh," giit ni Atty. Ramon Esguerra.

Matapos makalusot sa plunder, nagpiyansa si Revilla para sa hiwalay na kasong graft, at ngayon ay nasa piling na ng kaniyang pamilya matapos ang apat na taong pagkakapiit.

—Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.