Truck ng softdrinks bumangga sa poste ng LRT-2 sa Antipolo

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2017 10:18 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isa ang sugatan matapos bumangga ang isang 18-wheeler truck na may lulan na softdrinks sa ginagawang poste ng LRT-2 Extension sa kahabaan ng Barangay Mayamot, Antipolo City, Biyernes ng gabi.

Ayon kay Bernardo Pascual ng Office of Public Safety and Security (OPSS), dinala na ang 'di pa nakikilalang driver sa Amang Rodriguez Medical Center para malapatan ng paunang lunas.

Naganap ang aksidente pasado alas-10 ng gabi makaraang mawalan ng preno ang truck. Nagdesisyon ang driver nito na ibangga na lamang sa poste ang truck kaysa maka-aksidente ng ibang motorista.

Sa lakas ng pagkakabangga ay nabasag ang windshield at nasira ang unahan ng truck. Nagkalat rin sa daan ng mga basag-basag na bote ng softdrinks.

Sa ngayon ay patuloy pang nililinis ang lugar. Pansamantalang inilipat muna ang trailer sa truck ng MMDA para mas madaling alisin ito sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.