Roque sa ICC: 'War on drugs' cases, inaaksiyonan

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2017 12:01 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Humarap ang tagapagsalita ng Malacañang sa Assembly of States Parties ng International Criminal Court (ICC) para magbigay ng malinaw na mensahe sa mga miyembro nitong nagtipon sa New York, US. 

"Mr. President, we urge the Court to resist attempts by some sectors to treat the Court as a venue to pursue political agenda to destabilize governments and undermine legitimate national authorities…" sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa kaniyang talumpati.

Dagdag ni Roque, hindi maaaring dumeretso agad sa ICC ang sinumang may reklamo o kasong gustong isampa laban sa kampanya kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"In reaffirming to the commitment to the Rome Statute and the court, we're also reminded that the court is a court of last resort," pahayag ni Roque.

Anim na buwan na ang nakalipas nang magsampa ng 45 pahinang reklamo sa ICC sa The Hague sina Sen. Antonio Trillanes at Magdalo party-list Rep. Gary Alejano para idulog sa international tribunal na imbestigahan ang giyera kontra droga ni Duterte.

Iginiit ni Roque sa ICC na hindi dapat mabahiran ng politika ang ICC sa mga kasong inihain o ihahain laban sa war on drugs.

"Philippine courts and authorities would investigate, prosecute individuals for any and all complaints," paliwanag ni Roque. "ICC cannot exercise jurisdiction over these cases, our courts will do so."
 
Ayon pa kay Roque, kumikilos naman ang mga korte ng bansa pagdating sa mga kasong may kinalaman sa 'Oplan Tokhang' at iba pang kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

"The court issued one writ of amparo in a 'tokhang' case that happened in Payatas and the Supreme Court en banc heard two other cases against Operation Tokhang," sabi ni Roque.
 
Tiwala naman si Roque na pakikinggan ng ICC ang gobyerno. Bukod kasi sa nalalagas na ang ilang miyembrong bansa nito, magiging isang malaking kawalan aniya sa ICC kung pati ang Pilipinas ay bibitiw sa ICC.

"There's literally only a handful of Asian states that have opted for membership in the ICC, and I think I will not be... lying when I state that the Philippines has been at the forefront of the campaign for the universal ratification of the ICC in the Asian region and it would be a very big blow," ani Roque.

-- Ulat ni Don Tagala, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.