P150-K halaga ng 'shabu', nasabat sa La Trinidad

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2017 03:02 AM

Nakumpiska ang apat na sachet na may lamang 15 gramo ng shabu mula sa dalawang suspek sa Bayabas, La Trinidad nitong Huwebes. Kuha ng Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera

Nasa P150,000 halaga ng ilegal na droga ang nasabat sa isang buy-bust operation sa Bayabas, La Trinidad nitong Huwebes ng gabi.

Arestado ang dalawang target ng drug bust na sina Annuel Lumanas Guyon, 27, at Jonel Pilingen Evangelista, 21.

Apat na sachet na may lamang 15 gramo ng shabu ang nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Ayon sa Dangerous Drug Board, nagkakahalaga ang mga ito ng P150,000.

“Itong dalawang ito, sila yung nagsusuplay dito sa La Trinidad at saka sa mga byahero natin,” ani Joseph Calulut, public information officer ng PDEA.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.