Mt. Kanlaon, muling nagbuga ng maitim na usok at abo

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2017 05:15 PM | Updated as of Dec 09 2017 05:37 PM

LA CASTELLANA, Negros Occidental - Inabisuhan na mga naninirahan malapit sa paanan ng Mt. Kanlaon na maghanda sa mga posibleng epekto nang pagputok ng bulkan.

Ang anunsiyo ay ipinalabas ng lokal na pamahalaan matapos muling bumuga ng maitim na usok at abo ang Mt. Kanlaon, bandang alas-9 ng umaga, Sabado.

Ipinagbawal na rin ang pagpasok sa 4-kilometer radius na permanent danger zone ng bulkan.

Ayon sa mga residente, rinig na rinig ang pag-ugong ng bulkan ng maitala ang phreatic o steam-driven eruption.

Ilang abo mula sa bulkan ang dumapo sa Barangay Guintubdan at Ara-al sa lungsod ng La Carlota.

Base sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, umabot ng 10 minuto ang phreatic eruption ng Mt. Kanlaon.

Noong nakaraang buwan ay inilagay sa alert level 2 ang Mt. Kanlaon matapos makapagtala ng ilang volcanic quakes ang mga awtoridad.