Intsik na umano'y nasa likod ng pag-kidnap sa Koreano, timbog sa Malate

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2017 02:12 PM

MANILA - Arestado ang isang Chinese national Biyernes dahil sa pangingidnap umano sa isang Koreano.

Ayon sa mga awtoridad, natalo umano sa casino ang Koreanong biktima na si Lee Sang Won, 43, kaya nangutang ito ng P400,000 mula sa 36-anyos na suspek na si Wang Qing Long.

Nang hindi makapagbayad si Lee, dinala umano siya ni Wang sa Cheryville Hotel sa Malate upang doon umano ikulong.

Base sa imbestigasyon, 4 na araw nang nakakulong ang Koreano sa hotel at hindi pinapalabas ng suspek hangga't hindi nakakapagbayad.

Ayon sa pamilya ni Lee, binantaan din umano sila ni Wang na hindi na ibabalik ang kanilang kaanak kung hindi nila babayaran ang inutang na P400,000.

Naaresto si Wang matapos magsumbong ang pamilya ng biktima sa Korean Embassy at sa mga pulis.

Nakakulong na ang Chinese na suspek sa Manila Police District.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.