Fun run para sa human rights isinagawa sa Maynila

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2017 05:59 PM

Mahigit 50 katao ang tumakbo sa Cultural Center of the Philippines Complex habang isinisigaw ang pagsulong sa karapatang pantao, Sabado ng umaga, bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-69 na Human Rights Day.

"Karapatan ng tao ipaglaban, pagpatay ng tao ay tigilan," sigaw ng mga nakilahok sa fun run na inorganisa ng grupong Artikulo Trese.

Kabilang sa mga lumahok sa "takbuhay" ang "running priest" na si Fr. Robert Reyes.

Aniya, dapat daw matutunan ng mga Pilipino, lalo na ng mga kabataan, na huwag pumayag na abusuhin ang kanilang karapatan at matutong lumaban. 

Dagdag ni Reyes, tila raw nauulit ang mga nangyari noong rehimeng Marcos, ang diktaturya na nilabanan ng mga Pilipino. Matatandaang talamak ang mga patayan, pagdukot, at paglabag sa mga karapatang pantao noong panahon na iyon.

Isa sa mga lumahok sa fun run si Marylou Bertolano, isang residente ng Tondo. Aniya, sumali siya upang ipaglaban ang kaniyang karapatan. 

Hindi dapat nakadepende sa itsura ng tao o lugar na kaniyang tinitirahan kung magiging target siya ng extrajudicial killing, ayon kay Bertolano.

Matapos ang pagtakbo, dumiretso ang mga lumahok sa fun run sa Baclaran Church kung saan nagkaroon ng symposium tungkol sa extrajudicial killings.

Ayon sa Federation of Free Workers, kailangang ipagpatuloy ang pagsusulong sa human rights lalo na't bumalik na ang pulisya sa giyera kontra ilegal na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.