'Cooking show' rally isinagawa sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2017 06:14 PM | Updated as of Dec 09 2017 08:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kakaibang klaseng rally ang isinagawa ng grupong Karapatan sa Mendiola sa Maynila nitong Sabado dahil sa halip na plakard, mga sandok at kawali ang hawak ng mga nag-protesta.

Isang cooking show ang kanilang ginawa bilang pagkondena sa umano'y diktadura na niluluto ng Malacañang.

"Nandito tayo ngayon sa 'What's Cooking in Malacañang.' Hatid sa inyo ng Duterte's Kitchen. Mamatay kayo sa gutom," ayon sa isang demonstrador. 

Ang mga putahe, binigyan ng kakaibang pangalan na tila patama kay Pangulong Rodrigo Duterte.

"Una, ang papaitang buhay. Masyadong mapait! Ang susunod nating putahe ay ang Digong's dinuguan. Talaga namang dumanak ang dugo sa ilalim ni Duterte... At ang ating pangatlong putahe, ang pinakaespesyal. Presenting, pasta pasista," anila.

Pinagsalu-saluhan naman ng mga militante ang kanilang mga inilutong putahe.

Kinokontra ng grupo ang karahasang kadikit umano ng war on drugs, pagiging bukas umano ni Duterte sa revolutionary government, at pagdedeklarang terorista sa partido komunista.

Tinuligsa rin ng grupo ang planong pagpapalawig sa martial law sa Mindanao lalo't inirekomenda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at pulisya nitong biyernes na palawigin pa ito dahil sa patuloy na banta umano sa seguridad sa rehiyon.

Hindi pa inihahayag kung papaburan ito ng Pangulo.

Ilang beses nang sinabi ng Malacañang na hindi ito sangkot sa mga sinasabing extrajudicial killings sa ilalim ng kampanya laban sa droga. 

Ayon sa mga opisyal, ang mga napapatay sa police anti-drug operations ay pawang nanlaban. Nauna na ring sinabi ng pulisya na wala pang naitatala na extrajudicial killing sa ilalim ng administrasyong Duterte. 

Sinabi na rin ni Duterte na wala sa kaniyang ugali ang pagiging diktador. 

--Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.