ALAMIN: Ano ang holiday heart syndrome?

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2017 06:00 PM

Watch more in iWant or iWantTFC


 
Kabi-kabila na ang mga party ngayong papalapit ang Kapaskuhan at bagong taon kaya naman hindi maiwasan ng ilan ang pag-inom ng alak.

Pero nagbabala ang isang cardiologist sa isa sa mga panganib sa kalusugan na dala ng labis na pag-inom. 

Sa programang 'Good Vibes' sa DZMM, sinabi ng cardiologist na si Dr. Christopher Nazal na maaaring mauwi sa holiday heart syndrome ang "binge drinking" o labis na pag-inom ng alak.

Paliwanag niya, ang holiday heart syndrome ay ang pagkakaroon ng iregularidad sa rhythm o pagtibok ng puso.

"’Yung holiday heart syndrome, basically ang ibig sabihin no'n is nagkakaroon ng irregularity 'yung rhythm o pagtibok ng puso due to alcohol intake, usually excessive alcohol intake, tapos usually this is just temporary," aniya.

Ang mga mayroon nito ay maaaring makaramdam ng palpitation, hirap sa paghinga, pagkahilo, panghihina, at pagsakit ng ulo. 

Maaari itong maramdaman ilang minuto o oras matapos uminom at karaniwang tumatagal ng 24 hanggang 48 na oras.

Kapag tumagal ng higit pa sa 48 na oras, mainam na magpatingin sa doktor dahil puwede itong lumala, ayon kay Nazal.

"Although the general rule is temporary ang holiday heart syndrome, may few cases na medyo nagpo-progress siya into something much more severe," aniya.

"Puwedeng magkaroon ng tinatawag nating cardiac arrest and there are a few reported cases na medyo fatal pa rin siya. Pero very few."

Dagdag pa ng cardiologist, mas mataas ang tsansa na magkaroon ng holiday heart syndrome ang mga may hypertension, diabetes, may medications, at mga nakatatanda.

Pero hindi rin aniya lusot dito ang mga walang kondisyon na nabanggit kaya payo niya, kaunti lang ang inumin o iyong kaya lang ng indibidwal lalo’t iba-iba naman ang alcohol tolerance ng bawat isa. 

“Everything should be taken in moderation talaga,” aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.