Saksi laban kay Espinosa Sr. di pa rin makita

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2016 02:46 PM

Hindi pa rin matukoy kung nasaan ang dating bilanggo na ginamit umanong witness para makakuha ng search warrant laban kay Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr., at kasama nitong inmate na si Raul Yap.

Si Paul Olendan ay magi-iisang buwan nang hindi pumapasok sa trabaho. Isang buwan na rin siyang hindi nagre-report sa Parole Probation Administration dahil sa kanyang kasong homicide.

Nangangamba ang opisyal ng Parole Probation Administration na mabawi ang pagiging parolado ni Olendan kung hindi ito magre-report sa kanila.

Pinuntahan ng ABS-CBN News ang tirahan ni Olendan sa Barangay 53 Real, Tacloban City ngunit wala na ito, kasama na ang kanyang misis at wala ring makapagsabi kung nasaan ang pamilya.

Si Olendan ay ang ginamit ng grupo ni Supt. Marvin Marcos para makakuha ng search warrant laban kay Espinosa at Yap sa Baybay Sub-Provincial jail.

Parehong patay sa pamamaril sina Espinosa at Yap noong Nobyembre 5 sa itinuturing rubout ng National Bureau of Investigation (NBI).

Makikita sa Daily Time Record (DTR) ni Olendan kung saan siya nagtratrabaho sa Leyte National High School bilang Job Order employee na nandoon lang ito noong October 28,2016 o ang panahon kung saan sinabi niyang nagtungo siya sa sub-provincial jail at nakita sina Espinosa Sr. at Yap na nagre-repack ng shabu.

Makikita rin sa DTR niya na huli siyang pumasok noong November 11, 2016.

Kinasuhan na si Olendan ng kasong perjury ng NBI matapos mapag-alaman na hindi ito nakapasok sa kulungan ni Espinosa at Yap para kumpirmahin kung may baril at droga nga sa loob.