Lalaki, patay matapos pagbabarilin sa Tondo

Fred Cipres, DZMM

Posted at Dec 10 2016 04:32 AM

MANILA - Dead on the spot ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang salarin sa Tondo, Maynila pasado 10:45 p.m. ng Biyernes.

Nakasubsob pa ang katawan ng hindi pa nakikilalang biktima sa kalsada sa Pier Dos, Parola, Tondo. Nakasuot ito ng asul na polo shirt at maong na pantalon.

Sa inisyal na impormasyon, nagtanong pa sa guwardiya ng isang establisyimento ang biktima at hinahanap umano ang isang babae.

Pagkatapos magtanong ay lumayo ng kaunti ang biktima at may kinausap sa cellphone.

Ilang minuto pa ay may dalawa umanong lalaki ang lumapit at pinagbabaril ang biktima. Tatlong putok ng baril ang narinig. 

Mabilis namang naglakad papalayo ang mga salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.