2 umano'y tulak, patay sa magkahiwalay na buy-bust sa Bulacan

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2016 09:16 AM | Updated as of Dec 09 2016 09:17 AM

BULACAN - Patay sa engkwentro ang isang tricycle driver na umano'y tulak ng droga matapos ang isang buy bust operation sa gilid ng MacArthur High way sa Brgy. Mabolo, Malolos City, Huwebes ng gabi.

Nagpanggap na pasahero ng tricycle na minamaneho ni Jonnel Ignacio ang mga operatiba at nagsagawa ng transaksyon sa dirt road malapit sa kalsada, ayon kay Supt. Heryl Bruno ng Malolos.

Matapos ang transaksyon, kumaripas umano ng takbo si Ignacio at nakipagbarilan sa mga pulis ngunit napatay.

Napag-alamang kolorum ang tricycle na minamaneho ni Ignacio na taga barangay Cofradia at nasa watchlist nito

Narekober sa suspek ang caliber .38 na baril at anim na sachet ng hinihinalang shabu at isang sachet ng marijuana.

Isa ring buy-bust ang nauwi sa putukan Biyernes ng madaling araw sa barangay Sumapang Bata sa Malolos City.

Napatay si Rolando Delos Reyes na namaril umano sa mga pulis gamit ang isang sumpak.

Narekober din ang ilang sachet ng shabu at marijuana mula kay Delos Reyes.

Dati nang sumuko si Delos Reyes sa anim na araw na drug clearing program ng barangay Ligas.

Ayon sa mga pulis, maaaring nagkakatransaksyon na rin ang dalawang napatay na magkaiba ang ginagalawang lugar.