Plastic barriers, 'di requirement sa face-to-face classes: DepEd

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2021 02:05 PM | Updated as of Dec 08 2021 02:27 PM

Mga estudyante na lumalahok sa pilot face-to-face classes ng Longos Elementary School sa Alaminos, Pangasinan noong Nobyembre 15, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
Mga estudyante na lumalahok sa pilot face-to-face classes ng Longos Elementary School sa Alaminos, Pangasinan noong Nobyembre 15, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

MAYNILA — Nilinaw ngayong Miyerkoles ng Department of Education (DepEd) na hindi requirement ang paglalagay ng plastic barrier sa upuan ng mga estudyanteng lumalahok sa pilot implementation ng face-to-face classes.

Sa panayam ng Teleradyo, sinabi ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan na hindi kasama sa guidelines na inilatag ng DepEd at Department of Health (DOH) ang paglalagay ng plastic barrier.

"Ito pong tungkol sa plastic barriers, sa totoo ay wala po iyan sa ating joint guidelines," ani Malaluan.

Ayon kay Malaluan, pinatatanggal na rin ang plastic barriers dahil may obserbasyon na nakakasagabal ito sa airflow.

Ang mahalaga aniya'y naipapatupad ang physical distancing sa mga estudyante.

Ipinaliwanag ni Malaluan na kasama sa framework ng pagdaraos ng face-to-face classes ang "shared responsibility" ng DepEd, local government unit at mga magulang.

Watch more on iWantTFC

Posible umanong naimungkahi ng mga magulang ang plastic barrier sa mga pulong.

"Sa pagpupulong nila, minsan ay lumalampas [ang suggestion] sa ating protocols at nasama diyan itong paglalagay ng plastic barriers," ani Malaluan.

Nauna nang sinabi ng DepEd na may mga estuydanteng nahihirapang makita at marinig ang itinuturo sa kanila ng guro dahil sa mga plastic barrier.

Samantala, iginiit din ni Malaluan na regular na nagsasagawa ng disinfection ang mga paaralan bago at matapos ang klase.

Sa katunayan, may disinfection sa pagitan ng mga klase sa umaga at hapon, bukod pa sa mas masusing disinfection tuwing weekend, anang opisyal.

Nobyembre 15 nang magsimula ang pilot implementation ng limited face-to-face classes sa 100 pampubliko at 20 pribadong paaralan.

Kamakailan, nadagdagan ang "pilot" schools ng 177 paaralan, kabilang ang 28 sa National Capital Region.

Inaasahang sa susunod na taon ay magsisimula naman ang "expansion" phase, kung saan mas maraming paaralan na ang makakapag-face-to-face classes.

Patuloy naman ang distance learning sa mga estudyanteng hindi pa pinapayagang mag-face-to-face classes.