PatrolPH

Lalaking nagpanggap na NBI agent, arestado

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2021 02:26 PM | Updated as of Dec 08 2021 08:18 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Nahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki na umano'y nagpanggap na agent ng ahensiya para makapanloko.

Hinuli ng mga tauhan ng NBI Special Action Unit sa isang entrapment operation sa Pasig ang suspek na si Arthur Lope.

Nang kapkapan, nasa bulsa pa ni Lope ang hiningi umano niyang P15,000 mula sa biktima matapos siyang magpanggap na NBI agent.

Ayon sa biktimang si "Jules," nawalan siya ng pera sa isang investment scam at nagsabi sa mga kakilala na gusto niyang magreklamo sa NBI.

Nagpresenta umano si Lope bilang agent na tatanggap sa kaso pero hiningan nito ng bayad si "Jules."

Nakapagbigay ng P115,000 ang biktima pero humingi pa ng dagdag na P15,000 si Lope kaya nagduda si "Jules" at nagsumbong sa tunay na NBI.

Tumanggi namang magbigay ng panayam ang suspek.

Nagpaalala si NBI Special Action Unit Executive Director Kristine dela Cruz sa publiko na ang mga transaksiyon ng NBI ay ginagawa sa loob ng kanilang himpilan.

Wala umanong kapalit na pera ang serbisyo ng ahensiya.

Kulong si Lope sa kasong robbery, extortion at usurpation of authority.

— Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.