PatrolPH

Mahigit 1 milyong Pfizer vaccines na binili ng Pilipinas dumating na

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2021 10:23 PM

MAYNILA - Dumating Miyerkoles ng gabi ang mahigit isang milyong doses ng Pfizer vaccines na binili ng Pilipinas sa Estados Unidos. 

Nasa 1,082,250 doses ng Pfizer vaccines ang dumating sa NAIA Terminal 3 bago mag-alas-9 ng gabi.

Nakalaan para sa second phase ng national vaccination days sa Disyembre 15, 16 at 17 ang mga bakuna na binili ng Pilipinas sa Estados Unidos. 

Ayon kay Dr. Ma. Paz Corales, consultant ng National Task Force against COVID-19, sa pagdating ng mga bakuna at paglalaan ng national vaccination days, layon ng pamahalaan na maabot na ang 7-million target na herd immunity. 

Kaya sana raw ay magpabakuna na ang lahat para makaiwas sa COVID-19 at nang maging maligaya ang Pasko at bagong taon dito sa Pilipinas.

Kaakibat ng maraming bakuna ang sapat na vaccinators lalo na sa mga lugar sa Regions 3, 4, 5, 6, 7, 8 at sa Mindanao. 

"Yung mga dati nang nakadeploy, lalo na yung mga DOH hospitals ay ibibigay po sila sa 20 priority provinces. Meaning to say kung saan mas kinakailangan sila," aniya.

Dagdag pa ni Corales, bukod sa DOH hospitals may iba’t ibang grupo ang tumutulong sa vaccination para mapabilis ang proseso. 

"Gaya ng phase 1 meron medical societies, mga national government agencies, including the DOH nagdedeploy na po ng mga empleyado nila," aniya.

Extended rin daw hanggang tatlong buwan ang Pfizer vaccines para mas marami pa ang mabakunahan.

Sinabi rin ni Corales na bagama't numero unong panlaban sa sakit ang bakuna, hindi pa rin dapat kalimutan ang mga pangunahing alituntunin para hindi mahawaan ng COVID-19. Ito ay ang pagsunod pa rin sa health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, madalas na paghuhugas ng kamay at pagsunod sa physical distancing lalo na ngayong maraming tao na ang lumalabas dahil sa holiday season.

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.