PatrolPH

Ilang taga-Catanduanes di ramdam ang Pasko dahil sa kalamidad

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2020 07:36 PM | Updated as of Dec 08 2020 09:13 PM

Ilang taga-Catanduanes di ramdam ang Pasko dahil sa kalamidad 1
Aminado ang mga residente na hindi na nila naiisip kung saan at paano pa ipagdiriwang ang Pasko. George Calvelo, ABS-CBN News/File

VIRAC, Catanduanes — Magpa-Pasko na pero hindi pa ito ramdam ng mga nasalanta ng super typhoon Rolly sa lalawigang ito lalo't tiyak na aabutin ng buwan bago tuluyang maibalik sa normal ang kanilang buhay.

Ang Rolly ang itinuturing na pinakamalakas na bagyo sa mundo ngayong 2020.

Dahil dito, halos wala nang natira sa mga kabahayan sa lugar at maging mga hanapbuhay. 

"Tuwing matutulog ako, paggising ko hindi ko na alam uunahin ko o gagawin ko. Kung buhay ba o bahay o hanapbuhay. Kasi tuwing may bagyo iniisip namin kung saan kami lilipat. Pagkatapos ng bagyo iniisip namin wala kaming tutuluyan agad," ani Jefferson Tabor, residente ng Virac. 

Watch more on iWantTFC

Ngayon, tuwing bumubuhos ang ulan at tumutulo sa loob ng nabuong barong-barong, hindi maalis ni Tabor ang kaba.

"Tatlong bagyo na ang dumaan, wala naman po kami magagawa, 'yun ang kaya ng buhay namin. Kung saan-saan kami papadpadin ng hangin doon kami tumatakbo," aniya. 

Aminado siyang hindi na nila naiisip kung saan at paano pa ipagdiriwang ang Pasko.

Isa lang si Tabor sa mga libo-libong residente ng Catanduanes na di pa nakababangon higit 1 buwan matapos padapain ng bagyo ang halos lahat ng impraestruktura sa isla.

Tantiya ng provincial government, wala pang 5 porsiyento sa mga residente ang nakaka-recover.
    
"Kulang na kulang po kahit ang probinsiya magpe-purchase pa lang ang hardware materials... Di namin naiisip kung paano makahanda ngayong Pasko, ang iniisip namin paano maka-recover at mabigyan ng temporary shelter [ang mga residente]," ani Catanduanes Governor Joseph Cua.

Gayunpaman, kahit papaano ay nagpapasalamat ang mga residente lalo't nakaligtas sila sa kalamidad.

"Kahit malungkot ang Pasko, makaka-survive, makakabangon," ani Tabor. 

—Mula sa ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.