Sundalo arestado sa pangmomolestiya

Mark Gabriel Salanga, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2019 08:15 AM

Sa loob ng van na ito ginawan umano ng kahalayan ng suspek ang 17-anyos na biktimang may special needs. Mark Gabriel Salanga, ABS-CBN News

Arestado ang isang sundalo ng Philippine Army sa reklamong pangmomolestiya sa isang 17-anyos na babaeng may special needs, Sabado ng gabi.

Sa loob ng tinted na van umano ginawa ng sundalong may ranggong first lieutenant ang pangmomolestiya sa dalagita.

May ilang oras din hinanap ng mga magulang at mga kapitbahay ang dalagita hanggang sa makita siya sa loob ng kulay berdeng van.

Agad humingi ng tulong ang saksing nakakita sa dalagita sa loob ng van kaya agad na nasagip ito habang bugbog sarado naman ang suspek.

Ayon sa hepe ng Police Station 2 na si Major Sherlock Babana, kakasuhan ng rape ang suspek. 

May baril din na nakuha sa suspek at inaalam na ng awtoridad kung ito ba ang kaniyang service firearm.

Sabi ng suspek, may ilang buwan na siyang AWOL sa serbisyo at ang kaniyang van ang nagsisilbing tirahan sa ngayon. 

Ang 32-anyos na suspek na tubong Benguet ay nakakulong na ngayon sa Police Station 2.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.