Makabagong pagsasanay sa paggawa ng sapatos alok sa Marikina

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2019 04:28 PM | Updated as of Jan 06 2020 01:24 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Sa loob ng 2 deakada, hindi na mabilang ng 43 anyos na sapaterong si Achilles Dacoba kung ilang sapatos ang kaniyang nagawa.

Paglalapat at paghuhulma ang nakatoka kay Dacoba sa pinagtatrabahuhan niyang pagawaan ng sapatos sa Marikina, ang tinaguriang "Shoe Capital of the Philippines."

"Mas maganda ang gawa ng tao na mano-mano. Ang pinagkaiba ng sa makina, ang sa makina marami, sa tao naman, quality ang gawa," ani Dacoba sa panayam ng ABS-CBN News.

Malaki na ang ibinaba ng bilang ng mga gumagawa ng sapatos sa Marikina, ayon sa Philippine Footwear Association.

Higit 250 shoe manufacturers na lang ang nasa lungsod mula sa 3,000 nitong nakaraang 3 dekada.

"'Yong pumasok ang China, medyo bumaba ang ano ng Marikina. Kaya ang ibang sapatusan, nagsara, 'yong iba, nag-iba ng hanapbuhay," ani Philippine Footwear Association President Tony Andres.

Upang buhayin ang industriya ng sapatos sa Marikina, iaalok simula sa susunod na taon ang kursong shoe technology sa Pamantasan ng Lungsod ng Marikina.

Pangunahing ituturo sa kurso ang paggamit ng teknolohiya sa paggawa ng sapatos.

Bukas ang kurso para sa lahat, maging sa mga kasalukuyang sapatero na gusto pang matuto.

May katumbas na National Certificate 2 (NC2) level ang training kaya maaaring ipagpatuloy ng mga nais pang mag-aral at magkaroon ng diploma.

Sa unti-unting pagtuturo ng paggamit ng makinarya sa paggawa ng sapatos, titiyakin pa rin daw ng Marikina na makadadagdag pa ito sa dami ng malilikhang trabaho.-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.