Libre hanggang Jan. 31, 2020: 'Water jeepneys' mula Cavite City pa-Maynila binuksan

Abner Mercado, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2019 04:26 PM

MAYNILA — Naglayag nitong Sabado ang ferry service mula sa Cavite City patungo ng Maynila, na layong mapagaan ang trapiko sa mga kalsada sa lungsod.

Sakay ng MV Island Sabtang, pinangunahan ni Department of Transportation (DOTr) Arthur Tugade ang maiden sailing ng tinaguriang "water jeepneys."

Layon ng ferry service na ibaba sa 40 minuto ang biyahe ng mga taga-Cavite papuntang Maynila at vice versa, na karaniwang tumatagal umano ng halos 3 oras.

"Iyung dating 2 hanggang 4 na oras sa trapiko, dito walang isang oras nasa Maynila na sila," pagmamalaki ni Tugade. 

May ruta ito mula Cavite City Port Terminal papuntang Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex sa Pasay City, at papuntang Liwasang Bonifacio Terminal sa Lawton, at vice versa. 

Apat na beses ang schedule nito sa maghapon, na mag-uumpisa ng alas-5 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi. 

Ang dalawang shipping company na Seaborne Shipping Company Inc. at Shogun Ships Co. Inc. ang operators ng mga ferry. 

MV Island Sabtang ang sa Shogun Ships na kayang magbiyahe ng 57 pasahero, habang ang sa Seaborne Shipping Company naman ay MB Seaborne Mercury na 27 pasahero ang kaya.

At bilang pamasko, inanunsiyo ng 2 kompanya na libre ang magiging sakay sa water jeepneys simula Disyembre 9, Lunes, hanggang Enero 31.

Under negotiation pa umano kung magkano ang magiging pasahe, ayon sa DOTr.

May diskuwento naman ang mga estudyante, senior citizen, at bata mula 4 hanggang 12 taong gulang.

Libre naman ang bata na wala pang 3 taong gulang. 
    
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.