Babae, arestado sa pagnanakaw ng chocolate bars sa supermarket

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2019 08:17 AM

MAYNILA – Huli sa akto ang isang 34-anyos na babae na nagnanakaw sa loob ng supermarket sa Novaliches, Quezon City.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rossel Cejas, hepe ng Quezon City Police District Station 4, dinala ng mga tauhan ng security office ng supermarket ang suspek sa kanilang himpilan, Sabado.

Kuwento ng security guard na si Rolly Grego, napansin niya na tila may isinisilid ang suspek sa loob ng kaniyang shoulder bag. Hinarang niya ang suspek habang papalabas na ito ng establisyimento.

Nang inspeksiyonin ang bag, dito niya nakita ang 48 piraso ng chocolate bars na nagkakahalaga ng higit sa P7,000. Walang maipakitang resibo ang suspek kaya agad siyang hinuli.
 
Nahaharap sa kasong pagnanakaw ang suspek. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.