PatrolPH

PANOORIN: Kuwento ng ilang survivor ng 'nakalalasong' lambanog

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2018 07:28 PM

Watch more on iWantTFC

Ikinuwento ng ilang mga kaanak at nakaligtas ang kanilang naranasan matapos makainom ng kaparehong brand ng lambanog na nakalason umano sa higit 15 tao.
    

Nag-aalala ngayon si Concepcion Aquino dahil nasa ospital pa rin ang kaniyang anak na nakainom ng isang brand ng lambanog sa Barangay Sucol, Calamba City.

"Kahapon sumasama 'yung pakiramdam niya. Dinadaing niya 'yung dibdib niya tapos nahihilo gusto niyang sumuka hindi siya makasuka," kuwento ni Aquino. 

Napahiga umano ang anak, gininaw, at matapos nito ay sumigaw na dumaing na hindi na makahinga. 

Anim pang nakainom ng lambanog ang nasa ospital ayon sa barangay. Kasama sila sa 87 residenteng inoobserbahan ng City Health Office.

"Iyung mga nag-take ng lambanog kinuha na namin ang mga pangalan," ani Dionicio Vivas, konsehal ng Bgy. Sucol.

Sa Sta. Rosa City naman, dalawang residente ng Barangay Pooc ang naospital. Ayon sa Philippine National Police (PNP), kainuman nila ang unang apat na namatay.

Nakaligtas naman ang isa rin nilang nakainumang si Robert Cruz.

Kuwento niya, ilang araw ang nakalipas mula nang makainom ng kaparehong brand ng lambanog, ay mabilis ang tibok ng kaniyang puso at nanlabo ang kaniyang mga mata.

Hindi pa rin kampante si Cruz kaya nagpa-check-up siya sa doktor at nakatakdang bumalik sa susunod na linggo para makuha ang resulta ng test.

Nitong Biyernes ay pinuntahan ng Candelaria police ang pagawaan ng lambanog na umano'y nakalason sa mga biktima pero buong araw itong sarado.

Habang gumugulong ang imbestigasyon, pinagbawal na ang pagbebenta at pag-inom ng lambanog sa Calamba at Sta. Rosa, Laguna. 

    
—Ulat ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.