Pagproseso ng benepisyo sa SSS, kinamatayan na ng pensiyonado

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2018 08:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakaratay na dahil sa sakit ang nanay nina Wilmer Torres nang ireklamo nila sa Social Security System (SSS) ang hindi pagpasok ng survivorship pension ng ina.

Pero namatay na lang ang ina nila nitong Nobyembre, hindi pa rin naayos ang problema kahit nagsumite naman sila ng hininging dokumento.

Nang minsang mag-follow-up sa SSS sa Bulacan, nakapagbitaw na ng mabigat na salita si Torres dahil tila pinagpasa-pasahan raw sila.

"Sabi ko napakasinungaling niyo. Eh niloloko niyo na lang kami eh. Paulit-ulit nalang kami rito eh. Di naman niyo inaasikaso 'yung SSS ng nanay ko," kuwento ni Torres.

Limang buwang pensiyon pa ang hinahabol nina Torres dahil naputol ang benepisyo ng ina noong nagpalit sa EMV chip ang ATM card kung saan pumapasok ang pensiyon.
    
Sa dismaya sa ahensiya, pati si Torres ay nagdalawang-isip kung itutuloy pa ang sariling hulog sa SSS.

"Hulog ako nang hulog eh baka mamaya kako pag kukuha ako ng pera baka mamaya pahirapan din ako kumuha," aniya.

Idinulog ng "Tapat Na Po" sa SSS main office ang problema nina Torres at nitong Biyernes lang ay naayos na ang problema.

Personal na natanggap nina Torres ang tseke na katumbas ng limang buwang pensiyon ng ina.
    
Nagpaliwanag naman ang SSS sa delay.

"Mayroon kasing tinatawag na bank recall system between the bank and between the SSS. Mayroon talagang nangangailangan ng confirmation, verification," giit ni Luisa Sebastian, tagapagsalita ng SSS.

Paalala ng SSS, magtalaga agad ng guardian kapag bed ridden na ang pensiyonado para mas madali ang pakikipagtransaksiyon sa bangko.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.