Bilang ng patay matapos uminom ng lambanog sa Laguna, umakyat sa 11

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2018 08:16 PM

MAYNILA—Umakyat na sa 11 ang patay sa hinihinalang pagkalason matapos uminom ng lambanog sa Laguna nitong Sabado.

Binawian ng buhay Sabado ang isang 52-anyos na lalaking nakainom ng lambanog sa Barangay Pooc, Sta. Rosa, ayon kay Chief Supt. Eugene Orate.

Kabilang ang biktima sa grupo ng mga kalalakihang namatay matapos uminom ng lambanog noong Linggo, Disyembre 2.

"Ang running total na po natin ng namatay sa Sta. Rosa City ay 5 na po," ani Orate sa isang panayam sa radyo DZMM nitong Sabado.

Watch more in iWant or TFC.tv

Bukod sa mga nasawi sa Sta. Rosa, 6 na iba pa ang namatay din sa Calamba dahil sa hinihinalang pagkalason sa lambanog.

Inoobserbahan naman ang 87 residente sa Barangay Sucol sa Laguna nang inumin ang brand ng lambanog na itinuturong dahilan ng magkakahiwalay na pagkakakalason.

Lima naman ang naiulat ding patay matapos uminom ng lambanog sa lungsod ng Quezon.

Sa kabuuan, umakyat na sa 16 ang bilang ng namatay matapos uminom ng lambanog sa Laguna at Quezon City.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa magkakahiwalay na insidente ng pagkalason ayon kay Orate.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.