34 na wildlife na hayop nasabat sa bagahe sa NAIA

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2018 09:16 PM

Kuha ng Bureau of Customs NAIA

MAYNILA—Nasabat ang 34 na hayop sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 nitong Huwebes.

Nakalagay sa luggage ang 20 geckos at dragon lizards, 4 na ahas at 10 moss frogs na nakasilid pa sa kahon ng mga sapatos.

Napansin ng isang Customs x-ray inspector ang mga kakaibang laman ng bagahe ng isang pasaherong Pilipina galing Thailand.

Nang buksan, bumungad ang mga hayop na ipinagbabawal ng mga awtoridad na ibenta, alagaan o i-transport nang walang kaukulang permit.

Dinala sa Biodiversity Management Bureau ang mga hayop, kung saan ito aalagan.

Hindi agad naaresto ang suspek dahil kinailangan pang i-verify sa Department of Environment and Natural Resources kung mayroon itong permit kaya sasampahan ito ng kaso.

Nagbabala ang mga awtoridad na huwag nang magtangkang magpuslit, magbenta o bumili ng mga wildlife species.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.