Trailer truck sumabit sa kable ng kuryente, kargang container van nahulog

Aiza Marrie Layague, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2017 07:26 PM

Watch more in iWant or iWantTFC
Kuha ng Mandaue City Command Center

MANDAUE CITY - Nahulog ang isang container van na karga ng trailer truck matapos itong sumabit sa mga kable ng kuryente sa Barangay Centro dito nitong Biyernes.

Sa CCTV footage, makikitang binabagtas ng trailer truck ang A. Del Rosario Street at nang ito'y kumaliwa papasok sana sa S.B. Cabahug Street, sumabit ang lulan nitong container at tumilapon papalayo sa truck.

Walang naiulat na nasaktan sa insidente.

Paliwanag ng driver ng truck na si Manilon Delos Santos Jr., maliban sa hindi niya nakita ang mga kable, nakalimutan din na i-lock ng kaniyang helper ang container van.

"Naay lock, pero wa sad mi kay di man kami ang nagpakarga ana, igo rami nagpull-out," ani Delos Santos.
 
(May lock, pero 'di naman kami ang nagkarga niyan, kami lang 'yong nagpull-out.)

Inisyuhan ng tatlong traffic violation si Delos Santos: obstruction to traffic, stalled vehicle, at no early warning device.

"Kusog og dagan unya kasagaran ani nila basta moliko di gyud momenor mao nang may possibility gyud nga matagak ang container van," ani traffic enforcer Salvador Alquerez Jr.

(Mabilis ang takbo tapos karamihan sa kanila basta liiliko at hindi nagmemenor kaya may possibility na nahuhulog ang container van.)

Payo naman ng Traffic Enforcement Agency of Mandaue sa mga driver ng truck, siguraduhing naka-lock at maayos ang pagkakalagay ng container van para iwas-disgrasya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.