Pagpapalawig ng batas militar, inirekomenda ng PNP

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2017 07:31 PM

AFP, sumuporta rin sa extension

Naisumite na ng Department of Interior and Local Government (DILG) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Philippine National Police (PNP) na palawigin pa ng isang taon ang martial law sa Mindanao.

Ayon kay DILG Assistant Sec. Jonathan Malaya, kabilang sa mga dahilan ng PNP para palawigin ang martial law ay ang mga sumusunod: ang patuloy na operasyon laban sa mga posible pang natitirang Maute-ISIS fighters sa rehiyon, at ang pagtitiyak na magiging maayos at ligtas ang mga magsasagawa ng rehabilitasyon sa Marawi City, alinsunod na rin sa pahayag ng Pangulong Duterte.

Dagdag pa ni Malaya, kailangang matiyak ang seguridad sa pagsasagawa ng rehabilitasyon sa Marawi para hindi mapilay o mabalewala ang bilyong pisong proyekto sa lugar at masigurong hindi na mauulit pa ang sigalot sa lungsod.

Suportado naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang rekomendasyong palawigin pa ang martial law sa Mindanao.

Ayon kay AFP spokesperson Major General Restituto Padilla, nananatiling banta ang mga natitirang Maute sa lugar.

Patuloy pa rin daw kasi ang recruitment ng teroristang grupo at puntirya nilang makuha ang mga estudyante at kaanak ng mga nasawing terorista sa limang buwang bakbakan sa Marawi.

Para matiyak na hindi makakapaghiganti ang mga terorista, idiniin ni Padilla na kailangan ang patuloy na pag-iral ng martial law sa Mindanao.

Mayo 23 nang ideklara ni Duterte ang batas militar sa buong Mindanao kasunod ng paglusob ng Maute group sa Marawi.

Bago mapaso ang 60 araw na bisa ng batas militar, isinalang sa Kongreso ang pagpapalawig nito hanggang katapusan ng taon.

Pumabor sa martial law extension ang 261 mambabatas, habang kumontra ang 18.

Dati nang tiniyak ng ehekutibo na babawiin ang martial law nang maaga kapag di na ito kailangan. 

-- May ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.