Nag-overtake na tricycle, sumalpok sa ambulansiya

Rona Nuñuz, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2017 10:55 AM

Sugatan ang isang lalaki matapos na bumangga ang minamanehong tricycle sa kasalubong na ambulansiya, Huwebes ng umaga sa bayan ng Pili, Camarines Sur.

Sa CCTV video, makikitang nag-overtake ang tricycle sa isang van at maya-maya pa ay biglang tumilapon ang driver nito matapos na mabangga ng kasalubong na ambulansiya.

Pabalik na sana sa munisipyo ang ambulansya na minamaneho ni Sheldon Ranido, 50-anyos.

Sa pahayag ni Ranido sa pulisya, sinabi niyang nakita na raw niyang pumasok sa kanyang linya ang tricycle pero hindi niya inakalang mahahagip pa ito ng ambulansiya.

Hindi rin agad siya nakaiwas dahil may nakasunod na ibang sasakyan.

Tinulungan ang sugatang si Abordo ng mga sakay ng ambulansiya. Ito rin ang ginamit sa pagdala sa kanya sa ospital.

Nagtamo ng sugat sa ulo at bali sa binti si Abordo na napag-alaman din na walang lisensiya.

Hindi na kinulong pa si Ranido matapos makipag-usap sa pamilya ng tricycle driver.

Ayon sa pulisya, accident-prone ang lugar dahil may mga nakausling puno at may mga lubak sa bahagi ng kalsada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.