Kotse, sumampa sa metal rail ng flyover

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2017 11:00 AM

Isang sasakyan ang sumampa sa harang paakyat ng flyover sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City Biyernes ng umaga.

Natanggal ang bumper ng kotse na may plakang ZNM 559 nang tumama ito at sumampa sa harang ng Tandang Sora flyover.

Nangamoy gasolina pa sa lugar dahil tumagas umano ang tangke ng naaksidenteng sasakyan.

Ayaw namang magpakilala ng driver na aminadong nakainom at nakatulog dahil galing sa party.

Suwerteng hindi naman siya nasugatan sa aksidente.

Samantala, sumadsad ang isang taxi na may plakang WIY 200 sa concrete separator sa Commonwealth din sa bahagi ng UP Techno Hub.

Ayon sa taxi driver, hindi niya napansin ang barrier dahil walang ilaw o reflector ang lugar.

Buti na lamang at hindi nasaktan ang sakay niyang 2 pasahero. Iniinda naman ng driver ang masakit na kaliwang kamay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.