3 umano'y gun-for-hire patay sa raid sa Cotabato

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2017 05:58 PM

POLOMOLOK, South Cotabato - Tatlo umanong gun-for-hire ang napatay nang pasukin ng mga awtoridad Biyernes ng madaling araw ang bahay ng pamilya Ewa sa Barangay Koronadal Proper para ihain ang isang search warrant.

Ayon sa mga pulis, nanlaban umano ang target nilang si Allan Ewa.

Dagdag ng mga awtoridad, narekober nila ang dalawang kalibre .45 na baril at plastic cylinder ng rifle grenade mula sa aparador ng suspek. 

Giit naman ng asawa ng suspek, hindi nanlaban ang kaniyang mister dahil nagulat sila sa pagpasok ng mga pulis. Ayon sa misis ni Ewa, pinalabas siya bago niya narinig ang putok ng baril.

Bukod kay Ewa, patay din sa magkahiwalay na raid sa barangay sina Muja Adam at Saddam Macabangin na nanlaban din umano sa operating team.

Nakuha sa kanila ang isang homemade 12-gauge pistol na nakita sa ilalim ng kobre-kama at dalawa pang homemade shotgun na may mga bala at bala ng kalibre .45 sa isa pang kuwarto.

Ayon kay Pagalad Macabangin, ama ng suspek, wala silang armas kaya nagtaka siya nang makuha ang mga baril sa kanilang bahay.

Inirereklamo rin ng pamilya ni Macabangin ang nawawalang P7,000 na kinita ng tindahan nila matapos ang raid.

Ayon kay Chief Insp. Lorenzo Henares, deputy chief ng Regional Anti-Street Crime Task Force ng Region 12, sa korte na lang nila haharapin ang mga akusasyon hinggil sa naganap na raid.

Hinikayat din ni Henares ang mga pamilya ng mga napaslang na maglabas ng ebidensya sa korte.

Bukod sa bahay ng tatlong napatay, pinasok din ng mga pulis ang bahay ni Jordan Macabangin. Subalit wala ito nang isagawa ang operasyon.

Sinuyod din ng raiding team ang bahay ni Barangay Kagawad Asip Gandalibo pero nagnegatibo ang search. Wala ding nakita sa tatlo pang target ng pulis.

Ayon sa pinuno ng Regional Anti-Street Crime Task Force na si Supt. Maximo Sebastian Jr., grupo umano ng mga gun-for-hire ang tinarget nila.

May iba pa umano silang kagrupo na nago-operate sa Barangay Poblacion.

Ayon sa mga pulis, sangkot sa ilegal na droga ang grupo na itinuturong nasa likod ng pagpaslang sa intelligence officer ng Polomolok Police Station na si Senior Insp. Hernan Gabat.

Namatay si Gabat noong Setyembre matapos ratratin ng riding-in-tandem gunmen sa isang litsunan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.