3 patay, 2 sugatan sa salpukan ng pick-up at bus sa Palawan

Chinee Palatino, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2017 04:12 PM

PUERTO PRINCESA - Tatlo ang patay habang 2 ang sugatan matapos magsalpukan ang isang pick-up at bus sa Barangay Salvacion, Biyernes.

Ayon sa mga pulis, sa lakas ng banggaan ay dead on the spot ang driver ng pick-up na si Oscar Moreno, ang ina nitong si Raquel, at kapatid na si Elizabeth.

Isinugod naman sa ospital ang 15-anyos na anak ni Moreno, at ang sekretarya ng pamilya na si April Galas.

Wala namang nasaktan sa mga lulan ng bus.

Ayon sa mga awtoridad, galing ang pamilya Moreno mula El Nido at papunta sana sa airport upang sunduin ang asawa ni Oscar.

Masaklap itong nangyari lalo na't magre-reunion sana ang pamilya Moreno ngayon Pasko, sabi ni Louie Moreno, isa sa mga kaanak ng mga biktima.

Ayon kay Louie, sadyang mabagal magmaneho ang kanyang tiyuhin kaya hindi dapat isisi sa namatay na kaanak ang banggaan.

"Kapag naka-convoy kami, lagi siya naiiwan, inaantay ko pa," dagdag ni Louie.

Ngunit depensa ng driver ng bus na si David Ricare, kinain umano ng pick-up ang kabilang linya kaya nagsalpukan ang dalawang sasakyan.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, marami na ang naaksidente sa lugar. Nanawagan din ang mga residente na sana malagyan ng mga signage ang naturang daan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.