2 patay sa salpukan ng motorsiklo at bus sa Quezon

Ronilo Dagos, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2017 12:44 PM

Dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo ang namatay matapos na mabangga sa nakasalubong na bus sa Atimonan, Quezon Huwebes ng madaling araw.

Kapwa dead on arrival sa Doña Martha Medical Hospital sa Atimonan ang dalawang biktima na sina Leolex Bautista, 21, at Christopher Catter, 27, na nagtamo ng mga pinsala sa ibat-ibang bahagi ng ulo at katawan.

Batay sa imbestigasyon ng Atimonan police, tinatahak ng isang AB Liner Bus ang kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Malinao Ibaba patungo sa direksyon ng Bicol nang makasalubong ang motorsiklo pagdating sa pakurbadang bahagi ng daan.

Hindi na nakaiwas ang bus at nagbanggaan head-on ang dalawang sasakyan.

Naaresto naman ng awtoridad ang driver ng bus na si Albert Riginio Caballero na ngayon ay sasampahan na ng kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.