2 pang biktima ng 'money changer budol', lumantad

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2017 11:09 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Dalawang biktima pa ng "money changer budol-budol" ang lumantad matapos mapanood ang modus ng suspek sa mga nagdaang ulat sa TV Patrol. 

Nitong Nobyembre 6, nakuhanan ng CCTV sa loob ng fast food restaurant sa isang mall sa Angeles, Pampanga ang suspek na si Arvin Atendido habang kasama ang magtiyuhing biktima niya.

Kuwento ng biktimang si alyas "Enrico", inalok sila ni Atendido na papalitan sa mas malaking halaga ang kanilang 9,000 Hong Kong dollar o katumbas ng mahigit P58,000.
     
Gagamitin sana nila ang pera para sa pagpapagamot ng bayaw niyang may cancer. 

Ayon kay Enrico, nagpakilalang empleyado ng isang travel agency si Atendido na nangangailangan ng mga dolyar para sa kanilang mga empleyado.

Nagpa-photocopy lang siya ng I.D. pero pagbalik niya, naibigay na pala ng pamangkin niya ang kanilang pera kay Atendido na bigla na lang naglaho.

Kaya nang mapanood ang balita sa modus operandi ng suspek, nagpasiya silang lumantad para kasuhan si Atendido. 

Hindi rin akalain ng overseas Filipino worker mula sa New Zealand na si alyas "J.R." na mawawalang parang bula ang pinaghirapan niyang mahigit sa 2,900 New Zealand dollars o katumbas ng halos P100,000. 

Ayon kay J.R., nakilala niya sa isang mall sa Maynila si Atendido, na nagkunwaring magpapapalit din sa money changer. 

Kuwento ni Atendido kay J.R, nagtatrabaho umano siya sa tindahan ng mga gadget sa isang mall at kailangan nila ng mga dolyar.

Inalok ni Atendido si J.R. na papalitan ng mas mataas ang dolyar niya kaya naengganyo siyang ibigay ang kaniyang pera.

Kinumpirma rin niyang si Atendido talaga ang nambudol sa kanya at desidido siyang magsampa ng kaso laban sa suspek.

Sa isang text message, sinabi naman ni Atendido na hindi niya kilala ang mga bagong nagrereklamo sa kanya. 

Umaasa naman ang mga lumantad na biktima na makakamit nila ang hustisya.

-- Ulat nina Doland Castro at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.