Kolehiyo sa Meycauayan, nasunog

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2016 03:46 PM

MANILA - Nasunog ang compound na inuupahan ng isang kolehiyo sa Meycauayan, Bulacan Huwebes ng madaling-araw.

Alas-2:30 ng umaga napansin ng isang guwardiya ang pagsiklab ng apoy sa ikalawang palapag ng Hermoso Compound ng AMA Computer Learning Center (ACLC).

Mabilis na kumalat ang apoy sa malaking bahagi ng 50 taong gulang na gusaling gawa sa kahoy.

Inumaga na ang pag-apula dahil tumawid pa ang apoy sa third floor ng isa pang gusali ng compound na nakaharap sa MacArthur Highway.

Isinara ang isang lane ng kalsada dahil sa mga dumating na firetruck.

Ani Meycauayan fire marshal Chief Insp. Jose Raymund Manibo, "Nahihirapan po kaming mag-igib. Wala kaming mapagkunan ng tubig dito sa lugar po namin maliban doon sa SM."

Pagdating na lang nalaman ng mga estudyanteng papasok sana na nasuspinde na ang kanilang mga klase.

Kwento ng senior high school student na si Airavi Dumalay, "Itabi raw namin yung ginagawa namin po sa school. Kasi wala na po talaga kaming natira yung mga file po namin, gagawa po kami ulit para back to zero ulit kami."

"Nakakalungkot po isipin kasi parang ambilis lang po nangyari," dagdag niya.

Hindi naman makapaniwala ang gurong si Michelle De Guzman na sa pagkukulang ng paaralan nagmula ang sunog.

"Hindi naman po kami nagpapabaya," giit niya. "Gabi-gabi, bago kami umuwi pati ilaw ng banyo po namin pinapatay po namin kahit main circuit."

Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection ang mitsa ng sunog at ang kabuuang halaga ng mga natupok na kagamitan, kasama ang mga computer sa paaralan at mga software na binubuo ng mga mag-aaral.

Nagpaalala din ang BFP na laging magsagawa ng maintenance ng mga linya at gamit na de kuryente, sumunod sa building code, at siguruhing walang gamit na naiiwanang bukas.

Pupulungin ng ACLC meycauayan ang mga staff, guro at estudyante nito dito sa school grounds sa Lunes. Sa loob ng isang linggo, balak nilang makalipat ng pwesto para matuloy na ang naudlot na klase.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.