Death toll: 13 patay sa magdamag na karahasan sa NCR

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2016 04:12 PM

MANILA - Hindi bababa sa 13 ang nasawi sa magdamag na karahasan sa Metro Manila. Sampu sa mga napaslang ay mga drug pusher umanong nanlaban sa pulisya habang tatlo ang pinaslang ng mga hindi nakikilalang salarin.

Sa Old Balara, Quezon City, bumili lang ng gamot sa botika ang isang ginang para sa mister na may sakit nang pagbabarilin ng hindi nakilalang salarin, dahilan ng agaran niyang pagkamatay.

Batay sa ulat, naglalakad na pauwi si Merlinda Bolo nang hintuan siya ng puting van at pagbabarilin ng taong nakasakay.

Aminado ang mga kaanak ni Bolo na gumagamit ito ng iligal na droga pero huminto na anya ito simula nang sumuko sa Oplan Tokhang noong Hulyo.

Katunayan anila ay aktibo ang ginang sa lingguhang aktibidad ng barangay para sa mga nagbabagong-buhay na drug user.

Naulila ni Bolo ang mister, apat na anak at 11 apo.

Sa kalapit na Barangay Holy Spirit, nadala pa sa ospital ang dalawang lalaki pero binawian din ng buhay matapos umanong manlaban sa mga pulis sa buy-bust operation.

Nakabili umano ng shabu ang poseur-buyer sa halagang P500 mula kina alyas "Marlon" at "Pat."

Nang aarestuhin na, nagpaputok umano ng baril ang mga suspek kaya sila ginantihan ng pamamaril ng mga pulis.

Samantala, isa pang hindi nakilalang lalaki ang nasawi sa garahe ng isang bahay sa parehong barangay.

Maraming tao sa lugar nang mangyari ang pamamaslang pero walang gustong magsalita.

Hindi rin matiyak kung naka-motorsiklo o naglakad lamang ang suspek at kung may kaugnayan sa iligal na droga ang krimen.

CALOOCAN

Limang lalaki din ang naiulat na pinatay sa magkakahiwalay na drug buy-bust operation sa Caloocan. Lahat umano sila ay mga tulak-drogang nanlaban sa pulisya.

Namatay ang umano'y notoryus na drug pusher na si Julius Leonard Roldan sa General Concepcion Street habang binawian naman ng buhay si Ernesto Atienza, 42, sa Barangay Dagat-Dagatan.

Sa Barangay Barrio, patay din sa "engkwentro" sa pulisya sina Jose Rainier Lactao at Glen Francis Dagdagan na kapwa nasa drugs watchlist at dati nang sumuko sa Oplan Tokhang.

Nanlaban din umano sa one time-big time operation ang isang hindi pa nakilalang lalaki sa Barangay 176, Bagong Silang.

Pumunta sa lugar ang mga tauhan ng Caloocan police community precinct 3 dahil sa report na may drug den sa lugar nang biglang tumakbo ang lalaki.

Hinabol ng mga pulis ang suspek na nagpaputok umano ng baril, dahilan para barilin siya ng mga awtoridad.
     
MAYNILA

Sa Sta. Cruz, Maynila, sinasabing nakapagbenta na ng bawal na gamot ang hinihinalang tulak-droga na si Job Guce nang manlaban ito sa pulisya.

Pinaputukan umano ng suspek ang poseur-buyer ng Station Anti-Illegal nang sumenyas ito sa mga nakaantabay na pulis na arestuhin na si Guce.

Dead on the spot din ang dalawang lalaking kinilala lamang sa mga alyas na "Onel" at "Boy Angkas" nang mauwi sa engkwentro ang buy-bust operation sa Tondo.

Pareho umanong kilalang tulak ng droga sa lugar ang dalawa.

MAKATI

Isa namang hinihinalang biktima ng summary execution ang natagpuan sa barangay San Isidro, Makati.

Nakabalot ng packing tape ang ulo ng biktima. Nakagapos din ng tape ang mga kamay nito.

Pinaniniwalaang itinapon lang ang biktima sa lugar dahil walang nakitang basyo ng bala ng baril sa crime scene at wala ring nadinig na mga putok ng baril.

-- May mga ulat nina Dennis Datu, Ruby Tayag, Ron Lopez at Fred Cipres, DZMM; Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.