PatrolPH

Ina patay, ama sugatan sa pangmamartilyo umano ng anak sa Antique

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2021 08:46 PM

Patay ang isang ina at sugatan ang ama matapos sila martilyuhin ng kanilang 16-anyos na lalaking anak sa bayan ng Anini-y, Antique, Sabado ng hapon.

Ayon sa Anini-y MPS, nagtungo sa kanilang tanggapan ang lolo ng suspek para ireport ang krimen na ginawa umano ng kaniyang apo sa kaniyang mga magulang.

Habang nakatalikod umano ang ina ay bigla nalang siyang minartilyo sa ulo ng binatilyo sa loob ng kanilang bahay.

Pagkauwi ng ama sa kanilang bahay galing sa trabaho, ay sinalubong din siya ng martilyo ng suspek at tinamaan sa ulo pero nakatakbo siya at nakahingi ng tulong.

Kaagad na dinala sa ospital ang mga biktima pero idineklarang dead on arrival ang ina matapos magtamo ng malubhang sugat sa ulo.

Patuloy naman ginagamot sa ospital ang ama.

Saglit na nakatakas ang suspek dala ang nasa P14,000 na pera ng kanyang mga magulang matapos gawin ang krimen, ayon sa pulisya. Pero makalipas ang isang araw ay nahuli din ito ng mga awtoridad sa isang border control checkpoint.

Pansamantalang nasa kustodiya ng DSWD ng bayan ang binatilyo.

Napag-alaman na nagalit umano ang suspek dahil hindi siya pinapalabas sa kanilang bahay ng kaniyang ina para sumagot ito ng kaniyang module sa paaralan, ayon sa mga awtoridad.

— Ulat ni Rolen Escaniel

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.