PatrolPH

80 pamilya nasunugan sa Bacoor, Cavite

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2021 01:09 AM

MAYNILA - Tinatayang aabot sa 80 pamilya ang apektado ng sunog na sumiklab sa residential area sa Bacoor City, Cavite Lunes ng hapon.

Tumagal ng 2 oras ang sunog na nagsimula bandang alas-5:30 ng hapon.

Ayon sa Bacoor City Fire Station, natupok ang nasa 50 magkakadikit na bahay sa Pogi St sa Bgy. Niog 1.

Umabot ng ikatlong alarma ang responde sa sunog at tuluyang naapula ng alas-7:30 ng gabi.

Natukoy ang pinagmulan ng apoy sa bahay ng isang Lydia Sanchez. Patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog.

Wala namang naiulat na nasaktan.

Pansamantalang dinala ang mga nasunugan sa isang kalapit na elementary school.

Ayon sa BFP, aabot ng P300,000 ang halaga ng pinsala. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.