PatrolPH

Umano'y lider ng carnapping group timbog sa QC

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2020 07:55 PM

Watch more on iWantTFC

Arestado ang isa umanong lider ng carnapping group na higit isang buwang minanmanan ng mga awtoridad, sabi ngayong Lunes ng Quezon City Police District (QCPD).

Kinilala ng QCPD ang suspek bilang si Antonio Bonuan Jr., na pinuno ng Bonuan carnapping group na dawit sa mga insidente ng pagnanakaw ng mga sasakyan sa Pasig at San Juan.

Nakuhanan pa ng CCTV noong Oktubre 12 ang paggamit ni Bonuan sa isang bus bilang get-away vehicle sa krimeng nangyari sa may Eastwood.

Sa kuha, mapapanood ang isang lalaking pasahero na bumaba ng habal-habal matapos holdapin umano ang driver.

Nagkataong may taga-barangay sa lugar kaya tumulong ang mga ito para habulin si Bonuan.

Tiyempong nakasakay si Bonuan sa isang company shuttle bus at tinutukan umano ng baril ang driver nito.

Napatakbo papalabas ng bus ang driver at ginamit ng suspek ang bus para makatakas sa mga humahabol sa kaniya.

Humarurot ang bus at muntik pang makasagasa ng tao. Sinagasaan din nito ang isang plastic barrier, na nakaladkad hanggang sa main road sa Manggahan Street.

Ilang oras makalipas ang insidente, natagpuan ang tinangay na bus sa Pasig City.

Nasa isang buwan ang tinagal ng surveillance na isinagawa ng mga awtoridad bago nahuli si Bonuan noong Nobyembre 27.

Umamin naman si Bonuan sa ginawang pangholdap.

Nanawagan ang QCPD na kung may iba pang nabiktima ang grupo ni Bonuan ay pumunta lang sa Eastwood Police Station.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.