Mahigit 80 bus ang kasama sa augmentation program, kung saan 25 pasahero lang ang puwede sa bawat biyahe. Screengrab, ABS-CBN News footage
MAYNILA — Umarangkada na ngayong Lunes ang city bus augmentation program ng Quezon City na layong magbigay ng libreng sakay sa ilang mga piling ruta sa lungsod.
Kaya alas-6 pa lang ng umaga ay maaga nang pumila sa Elliptical Road ang mga pasahero.
"Malaking tipid ito, may sobrang pera para pambili ng gatas at pagkain," ani Meanne, isa sa mga pasaherong nakausap ng ABS-CBN News.
Ruta ng QC bus augmentation program (vice versa):
- QC Hall → Cubao
- Litex/IBP Road → QC Hall
- Welcome Rotonda → Aurora Blvd/Katipunan Avenue
- General Luis → QC Hall
- Mindanao Avenue corner Quirino Highway → QC Hall
- QC Hall → Robinsons Magnolia
- QC Hall → Ortigas Avenue Extension
- QC Hall → Muñoz
"Ito ay para matugunan 'yung mga karagdagang fleet ng buses dun sa mga lugar na kailangang-kailangan ng serbisyo ng mga bus para sa mga pasahero," ani Dexter Cardenas, OIC ng QC task force for transport and traffic management.
Ayon naman kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, sa ngayon ay libre muna ito para sa lahat habang inaayos pa nila ang "QCitizen ID" ng lungsod.
"Kalaunan, kapag may QCitizen ID na ay kailangan na nila iyon ipakita para makasakay. Pero linawin ko lang, kahit hindi ka residente ay puwede ka makakuha ng ID na ito. Basta may ari-arian at business ka sa QC ay considered as resident ka na rin at qualified for the ID," ani Belmonte.
Mahigit 80 bus ang kasama sa augmentation program, kung saan 25 pasahero lang ang puwede sa bawat biyahe.
Natuwa naman ang ilang provincial bus drivers na kasama sa bus augmentation program, lalo't ilang buwan silang di nakapaghanapbuhay dahil limitado lang ang biyahe ngayon papuntang probinsya.
Bibiyahe ang mga bus araw-araw simula alas-5 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi.
—Mula sa ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, QC, Quezon City, transpo, transportation, Joy Belmonte, bus, bus augmentation program, QCitizen ID