Mga maliliit na boteng may label na 'Vaccine COVID-19' sa isang illustration na kinuhanan noong Abril 10, 2020. Dado Ruvic, Reuters/File
Lusot na ang 3 manufacturers ng COVID-19 vaccine sa ethics review board ng bansa at sasailalim naman sa evaluation ng Food and Drug Administration, sabi ngayong Lunes ng Department of Health.
Tinukoy ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang mga manufacturer bilang Janssen ng Johnson & Johnson at AstraZeneca ng Europe, at Clover Biopharmaceuticals ng China.
"Approved na rin sa ethics review board ang Janssen, ang AstraZeneca, at saka 'yong Clover," ani Vergeire.
Nabigyan naman ng confidentiality agreement ng pamahalaan ang mga bakuna ng Pfizer at Moderna.
Ayon sa Malacañang, 25 milyong Pilipino ang ipa-prioritize sa COVID-19 vaccination program, kung saan 1.7 milyon ay frontliner health workers.
Tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III na dadaan sa matinding pagsusuri ang gagamiting bakuna at kailangan ng mga kaukulang sertipikasyon mula sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Health protocols
Samantala, patuloy naman ang pagpapaalala ni Duque sa publiko na huwag maging pabaya at sumunod pa rin sa health protocols.
"Mayroong complacency sa ibang lugar. There is no room for complacency," ani Duque.
Nag-ikot si Duque ngayong Lunes sa Parañaque Integrated Terminal Exchange para tingnan ang health protocols na ipinatutupad doon, lalo't inaasahang dadami pa ang mga taong gagamit ng terminal habang papalapit ang Pasko.
Sa tala ngayong Lunes, umabot na sa 441,399 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa matapos makapagtala ng 1,574 bagong kaso.
Pero sa bilang na iyon, 24,125 lang ang active cases dahil sa 408,702 gumaling sa sakit at 8,572 binawian ng buhay.
-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Department of Health, Covid-19, Covid-19 pandemic, Covid-19 vaccine, Janssen, AstraZeneca, Clover Biopharmaceuticals, Parañaque Integrated Terminal Exchange, health protocols, Food and Drug Administration, FDA, TV Patrol, Raphael Bosano