PatrolPH

10 Chinese huli sa pagbebenta ng 'pekeng' Heng De face shields, masks

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2020 07:46 PM

MAYNILA — Timbog ang higit 10 Chinese sa 3 magkakahiwalay na malls sa Binondo matapos silang mahuling nagbebenta ng pekeng brand ng face mask at face shield.

Kasong copyright infringement ang kakaharapin ng mga banyaga matapos silang maaresto sa entrapment operation na ikinasa ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Lunes.

Nag-ugat ang reklamo sa consultant at representative ng Heng De sa Pilipinas na si James Wong.

"Million ang nalulugi sa amin dahil sa pamemeke galing China," ani Wong.

Sabi ni Wong, ang orihinal na mga produkto nila ay embossed ang logo na may kulay gold, habang ang peke ay puro blue print lang. Sa face shield naman ay makikita sa may handle ng salamin ang logo ng Heng De.

Payo naman ng NBI na tangkilikin ang orihinal na mga produkto.

"Tangkilikin natin ang original at wag bumili ng peke baka makaapekto sa paningin mo dahil sa quality," ani Jimmy de Leon, agent investigator ng NBI.


—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.