Ninakaw na SUV narekober sa Pampanga dahil sa GPS; 3 arestado

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2019 04:14 AM | Updated as of Dec 07 2019 06:20 AM

MAYNILA—Naaresto ng mga pulis nitong Biyernes ang 3 lalaki na sangkot umano sa pangangarnap ng isang sports utility vehicle (SUV) sa Pasay City.

Narekober ang puting sasakyan sa compound ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Mexico, Pampanga.

Ninakaw ang SUV mula sa parking area ng isang shopping center sa Pasay City noong Huwebes, Disyembre 5.

"Nagsumbong 'yong mga Chinese dito sa amin na 'yong nirentahan nilang Toyota Fortuner ay nakarnap diyan sa bandang Cartimar," ani Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City police.

Natunton ng may-ari ng SUV ang kinaroroonan ng sasakyan dahil sa naka-install na global positioning system (GPS).

Napag-alaman ng pulisya na ang drayber ng nirentahang SUV ay may mga kasabwat. Sinadya umanong iwan ng drayber ang parking ticket sa loob ng sasakyan kaya nailabas ito ng kaniyang mga kasabwat.

Ayon sa pulisya, isa rito ay associate engineer ng NGCP kaya naipasok sa compound nito sa Mexico, Pampanga ang sasakyan.

Tumangging magsalita ang drayber ng nirentahang SUV.

"Kausap na po nila 'yong lawyer ko," aniya.

Nakatakdang i-inquest sa Pasay City Prosecutor's Office ang mga suspek para sa kasong carnapping habang nagsasagawa ng mas masusing imbestigasyon ang pulisya.—Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.