Tarpaulin ni Bong Go, binaklas sa Silay City; alkalde nagpaalala na sumunod sa batas

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2018 04:44 PM | Updated as of Dec 07 2018 05:16 PM

Inalmahan ng mga tagasuporta ni dating Special Assistant to the President na si Bong Go, na ngayon ay tumatakbo sa pagka-Senador, ang pagbaklas ng tarpaulin na nakapaskil sa Silay Public Plaza. Larawan mula sa Facebook page ni Mayor Mark Golez

SILAY CITY, Negros Occidental – Nagbigay-linaw ang alkalde ng Silay City tungkol sa pagbaklas ng tarpaulin ni dating Special Assistant to the President Bong Go na nakapaskil sa Silay Public Plaza.

Ayon kay Mayor Mark Golez, nagtungo sa City Hall ang ilang supporters ni Go para tanungin kung bakit inalis ang tarpaulin na pagbati sa Pasko ang nakalagay.

Paliwanag ni Golez na ito ay isang paglabag sa City Ordinance No. 02 na may titulong, “An Ordinance Regulating Advertisements by Means of Signboards, Billboards, Posters, Paintings on Walls, Slides in Movies, Handbills, Leaflets, Streamers, Electric or Neon Lights, Display Stand and Others of the Same Nature and Prescribing a Permit Fee and Other Regulating Fees Thereof.”

Dagdag pa ni Golez na sino man ang gustong maglagay ng poster sa public plaza ay kailangan dumaan sa Office of the City Engineer at may karampatang bayad din ito.

Giit ng alkalde, ginawa lang nila ang tama sa pagpapatupad ng batas.

Naintindihan naman daw ito ng mga supporter ni Go.

Inilipat na ang tarpaulin at ngayo'y nakalagay sa labas ng isang pribadong bahay sa Silay City.

 PAGBAKLAS, 'WALANG KASO' KAY BONG GO

Sa kaniyang pahayag, sinabi naman ni Go na nagpapasalamat siya sa mga tagasuporta pero nanawagan siya sa mga ito na sundin ang mga batas at ordinansa kaugnay ng halalan. 

"Sa mga supporters ko at ni PRRD (Duterte), I am truly grateful for your initiative and support. Ang pakiusap ko lang, sundin natin ang mga ordinansa ng ating local leaders," ani Go. 

Pinayuhan na lamang niya itong ipaskil ang mga campaign material sa kanilang mga pribadong ari-arian. 

"[I]lagay na lang nila sa mga bahay o private properties bilang parte ito ng karapatan nilang ipahayag ang sarili nila," dagdag ng kandidato. 

Sa huli, nagpasalamat pa ito kay Golez dahil sa pagiging patas.

"I would also like to thank Mayor Mark Golez of Silay City for being fair in implementing the law."

Si Go ay tumatakbo bilang senador sa halalan sa susunod na taon.