Pawikan, natagpuang patay sa Negros Occidental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2018 06:13 PM | Updated as of Dec 07 2018 06:16 PM

Inilibing din agad ang patay na pawikan na nadiskubre ng mga residente sa dalampasigan ng Barangay Poblacion sa bayan ng Cauayan sa Negros Occidental. Larawan mula kay Patrick Ash Aguas

CAUAYAN, Negros Occidental – Patay na nang matagpuan ng mga residente ang isang pawikan sa dalampasigan ng Barangay Poblacion, Huwebes ng hapon.

Ayon kay Daniel Dayono, agricultural technologist ng Cauayan Municipal Agriculture Office, isang Hawksbill sea turtle na may haba na dalawang talampakan ang nakita ng mga residente. 

Posible umanong matagal nang patay ang pawikan, dagdag ni Dayono.

Maari rin daw na galing ito sa baybayin ng Guimaras at napadpad lamang sa Cauayan.

Hindi na rin matukoy ng Municipal Agriculture Office kung ano ang naging sanhi ng pagkamatay ng pawikan.

Agad na ipinalibing ang pawikan dahil sa nabubulok na ito at para na rin hindi makaapekto sa kalusugan ng mga residente sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.