Patay matapos uminom ng lambanog, nasa 15 na

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2018 09:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umabot na sa 15 ang namatay sa pinahihinalaang pagkalason matapos uminom ng lambanog sa Laguna at Quezon City magmula noong nakaraang linggo.

Matapos ang inuman sa Novaliches, Quezon City noong weekend, namatay nitong Huwebes ang tricycle driver na si Alfredo Cuadra. Lima na ang patay sa nasabing insidente habang inoobserbahan pa ang dalawang kasamahan ni Cuadra.

Samantala umakyat sa 10 ang patay sa Laguna nang bawian ng buhay si Philip Guevarra sa Barangay Sucol sa Calamba kaugnay din umano sa pag-inom ng lambanog gabi ng Huwebes.

Inoobserbahan naman ang 87 residente sa nasabing barangay nang inumin ang brand ng lambanog na itinuturong dahilan ng magkakahiwalay na pagkakakalason sa Laguna.

Nagbahay-bahay ang mga health worker para maipamigay ang multivitamins at vitamin C na pampalakas ng resistensya sa mga inoobserbahan.

Kabilang dito si Bong Remando na nakaramdam na sumasama ang kaniyang kalagayan.

Ayon kay Calamba City health officer Adelino Dennis Labro, nagbilin siyang araw-araw na pumunta ang mga health worker sa lugar para masuri ang kalagayan ng mga inoobserbahan.

“Parang may laging kabag ang tiyan ko at saka parang kaunting tingin ko lang parang maluluha," ani Remando nang tanungin tungkol sa nararamdamang sintomas.

Gumugulong naman ang imbestigasyon ng Sta. Rosa police kaugnay ng pagkasawi ng apat na residente sa barangay Pooc na uminom ng lambanog.

Ayon kay Sta. Rosa police chief Superintendent Eugene Orate, tukoy na nila ang distributor sa mga sari-sari store na pinagkukuhanan ng lambanog. Pero aniya, hindi pa ito maisasawalat sa publiko habang umaandar pa ang imbestigasyon.

"As of now, hindi pa puwedeng i-disclose ang kaniyang personality para maprotektahan... Pero meron nang lead dito and 'pag napatunayan natin 'yan that's the time na masasabi natin ang next na hakbang natin for the filing of necessary charges," ani Orate sa isang press conference nitong hapon.

Nanawagan sina Orate at si acting Mayor Arnold Arcillas na makipag-ugnayan na ang mga manufacturer at ang distributor para tuluyang umarangkada ang imbestigasyon.

Watch more in iWant or TFC.tv

SAMPLE SA LAGUNA POSITIBO SA METHANOL

Samantala, nagpositibo naman sa nakalalasong methanol ang ilang sample ng lambanog na nakuha mula sa Sta. Rosa at Calamba, Laguna, ayon sa pagsusuri ng Food and Drug Administration (FDA).

Sa resultang ibinigay ng FDA sa ABS-CBN News, 16 porsiyento ang methanol content ng lambanog na nakuha sa Sta. Rosa, habang 6.6, 8.9, at 6.5 porsiyento naman ang ethanol content sa tatlong sample sa Calamba. Lumalabas din na iisa lang ang brand ng mga nakuhang sampol ng lambanog.

Ani Emilio Polig Jr. ng FDA Field Regulatory Operations Office, posibleng iisa lamang ang pinaggagalingan ng nasampolang lambanog. Lumalabas din sa kanilang pagsusuri na sa Batangas nanggaling ang alak.

"It’s possible na iisa ang source niya considering na 'yung brand is the same... Yung place ng pinangyarihan is Laguna but lumilitaw na 'yung source is coming from as far as Batangas," paliwanag ni Polig.

Nakipag-ugnayan na ang FDA sa mga lokal na pamahalaan para matunton at makumpiska ang mga di rehistradong lambanog na ibinebenta sa merkado.

Naglabas na rin ng listahan ang FDA ng mga rehistradong lambanog na nagpapakitang 10 lang ang rehistradong magbenta ng inuming ito. Ani Polig, posibleng mas marami pa ang gumagawa ng hindi ligtas na lambanog.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa lokal na pamahalaan para matunton ang pinanggagalingan ng mga lambanog, at kakasuhan ang mga hindi rehistradong magbebenta nito.

Dahil paparating na ang Pasko at inaasahan ang kaliwa't kanang pagdiriwang at inuman, payo ng FDA na usisain nang mabuti ang binibiling lambanog.

Nanawagan si Orate na makipag-ugnayan sa Sta. Rosa City police kung may impormasyon tungkol sa manufacturer at distributor ng lambanog na itinurong nakalalason sa mga numerong 0915-238-0013, 0905-550-5288, at 0999-483-5681.

-- Ulat nina Raphael Bosano at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.